Sayt ni A.N.B. ZAS

Masusulyapan ang pinaghanguan sa:  http://bagongkasaysayan.multiply.com/journal/item/54

Sulyapan ang paunang salita ng bagong aklat ng UP LIKAS na isinulat ni Patricio Abinales:http://bagongkasaysayan.multiply.com/journal/item/43


Sulyapan ang mga nilalaman ng bagong aklat:

http://michaelxiaochua.multiply.com/journal/item/128

Sulyapan ang sampol na artikulo ni Michael Charleston "Xiao" B. Chua:
http://michaelxiaochua.multiply.com/journal/item/129


Si Prop. Atoy Navarro ukol sa bagong aklat:

http://atoynavarro.multiply.com/journal/item/5


Tugon ni Dr. Zeus A. Salazar sa

Paunang Salita ni Dr. Patricio Abinales

sa Aklat na Kaalaman at Pamamaraan

sa Pagtuturo ng Kasaysayan

Mahal na Atoy, Salamat sa pagkapadala sa akin ng "Paunang Salita" ni Jojo. Nakatutuwa ang kanyang pagtingin (at pang-unawa rin) sa mga bagay, gayundin sa kasaysayan. Sa pangkalahatan, tama ang kanyang pagkalahad sa aking aktibidad hanggang sa aking pagkakulong noong Martial Law (Disyembre 1972). Hindi ko maalaala na nakulong si Jojo noon, di tulad ni Temy Rivera, katrabaho niya ngayon sa Hapon, na napiit nang singtagal ng kung sana siya'y nagPh.D. (limang taon). Gayumpaman, wala pa siya sa U.P. nang ako'y umuwi rito noong 1968, kung kailan inumpisahan ko kaagad na magturo ng Kasaysayan ng Makabagong Europa SA PILIPINO, bagamat di ko pa talaga gaanong gagap noon ang wikang ito. Tulad ng alam mo, Bikolano ako ... kahimat, di tulad ni Jojo, wala akong naramdaman noong "imperyalismo" ng Maynila. Alam ko na noon pa man na, tulad ng pinatutunayan nng Ilonggong si Vic Villan ngayon sa kanyang disertasyon sa wikang Filipino, ang katotohanang mga puwersang Bisaya ang siyang nagkolonisa sa Maynila kasama ang mga Kastila sa pamumuno nina Goiti (at Legazpi). Karamihan sa mga conquistadores na Bisaya ay nanatili sa Maynila at naging panginoon ng mga Tagalog at Kapampangan na nagapi sa labanan ng Bangkusay. Ngunit dahil kakaunti lamang sila at dahil din sa napakalapit ng mga wikang Bisaya sa Tagalog [lahat, kasama ang Bikol, Kapampangan, Tausug, Sulod at iba't ibang wikang "Agta" o "Aeta", ay bumubuo ng "central Philippine languages" na sinasalita ng halos 70% ng mga Pilipino] napilitan silang magTagalog — ibig sabihin, naging “Tagalog.” Simula ito ng paglaganap ng Tagalog noong "panahong kolonyal".


Sa katunayan, ang Maynila ay naging lunsaran sa pangingibayong-dagat ng mga Pilipino mula sa iba't ibang bahagi ng kapuluan at, mangyari pa, natuto sila ng Tagalog bago makipagsapalaran sa labas. Samakatuwid, ang mga migrante noong "panahong Kastila" ay "naging Tagalog" (i.e., natutong magsalita ng Tagalog) bago nila lisanin ang Maynila. Tagalog ang naging wika ng mga Pilipinong nasangkot sa, o gumamit ng, Kalakalang Galyon. Isa o dalawang beses lang bawat taon nagbibiyahe ang galyon sa buong panahon ng Kalakalang Galyon. Kahit na si Pedro Calungsod ay "nagdaan" sa Katagalugan bago niya samahan si Padre Sanvictores patungong Marianas. Ang mga katagang "Pilipino" na hiram sa Chamorro karamihan ay Tagalog habang ang mga Pinoy roon ay halos lahat ay galing sa Kabisayaan, sa simpleng dahilan na nakapaloob ang Marianas sa diosesis ng Cebu. Noong panahon ng paghahanda sa Himagsikan 1896 mga Ilonggong galing sa pagtratrabo sa Australya ang nagbigay ng pera kina Bonifacio upang makabili ng imprenta ang Katipunan. Mangyari pa, ang wika nila ay Tagalog.

Sa kasalukuyan, ang karamihan sa mga nakatira sa Kamaynilaan ay hindi "Tagalog" kundi mga Pilipino mula sa iba't ibang dako ng Pilipinas, higit sa lahat sa Kabisayaan at Mindanaw. Ang karamihan din sa mga nakahawak ng kapangyarihan sa kasalukuyang estadong Inglesero ay hindi mula o ipinanganak sa Maynila (cf. Arsenio Lacson, Arzobispo Cardinal Sin, ang kinatawan ng Paranaque na si Roilo [i.e., Romblon, Iloilo] Golez, etc., etc.). Kung may "imperyalismo" man na nagmumulang Maynila, "imperyalismo" ito ng mga Pilipino mula sa mataas na uri (burgis o Inglesero). Sa katunayan, ang ideya ng "imperyalismo ng Maynila" ay nakapaloob sa isang ideolohiyang mapangwasak-sa-bansa, mula man ito sa mga "imperyalista"/ "globalistang" kapangyarihan o Pilipinong kaalyado/kapanalig ng (isa sa) mga ito, sa pulitika o ideolohiya man o sa mga hangaring pang-akademya o sa kombinasyon ng dalawa. Sa katunayan, ang mga pulitiko na "sumasakop" sa buong Pilipinas sa karamihan ay di naman Tagalog; napakamarami ay Bisaya, nakatira lang sila sa Maynila, bukod sa may bahay o mansyon sa kani-kanilang pinagmulang lugar at "seat of power" AT SAAN MAN SA ESTADOS UNIDOS (O SA IBANG DAKO NG DAIGDIG NA ANGLO-AMERIKANO O KAALYADO) KUNG SAAN PINAGHAHANDAAN NILANG MAGRETIRO PAGKATAPOS.


Ang pagtuturo sa Pilipino (at ang pagpapalaganap ng wikang Pambansa) ay napagkasunduan na namin noon pang 1964 ni Dr. Ernesto Constantino, isang Iloko, nang dinalaw niya ako sa Paris bago siya dumeretso sa Pinas mula sa kanyang pag-aaral sa Estados Unidos. Napakaimportante sa akin ang piryod 1968-1972 dahil nga sinimulan kong isagawa noon ang aming kasunduan ni Ernie. Noong panahon ding iyon pinasimulan ko ang pagpapasalin ng mga teksbuk sa Kasaysayan ng Europa: 1) Kalaunan o Makalumang Europa (hanggang 500 M.K.); 2) Kalagitnaang Panahon (500-1500); 3) Makabagong Europa (1500-Ika-20ng Dantaon); 4) Kasaysayang Diplomatiko ng Europa; 5) Kasaysayan ng Inglatera; 6) Kasaysayan ng Rusya; at, bandang huli, 7) Kasaysayan ng Unyon Sobyet. Mangyari pa, nagbibiro si Jojo na itinuro ko lamang daw ang Kasaysayang Europeo hanggang sa bago ang Rebolusyong Pranses. Baka ito lang ang parte na naisalin ng kanyang grupo.


Heto ang pagkaalala ni Dr. Kenneth Y. Ilio, isa sa tatlong mag-aaral na nag-ambag ng papel noon sa aking Kasaysayan: Diwa at Lawak (1974-75) [tingnan ang likurang pabalat ng libro ng LIKAS na pineprepasyuhan ni Jojo], hinggil sa panahong iyon nang bata pa si Sabel at katatapos pa lamang ng hayskul ni Jojo.
Ayon kay Dr. Ilio, ang ilang mga propesor sa U.P.


.... back in 1972-73-74 were offering courses conducted in Pilipino—the foremost was Asian Civilizations I with Dr. Zeus Salazar. There was [sic] also a Physics 11 class, many Speech I classes, as well as Philippine Institutions classes. [Science Education in the Philippines. Sa grupo: soc.culture. filipino sa Internet].

Ang ibig sabihin ng lahat ng ito, wala akong naging kaugnayan kay Pang. Marcos sa panahong iyon — sa katunayan, wala hanggang sa bandang katapusan ng 1974 nang nabuo ni Dr. Serafin Quiason ang grupong naatasan ng Malakanyang na suriin ang proyektong Filipino Heritage. Mga Australyano ang nakaisip nito bilang ensiklopedia-kasaysayan ng Pilipinas na tingi-tinging ipagbibili sa mga estudyante ng High School. Gusto noong "brasuhin" [kataga ng di-umano'y "strongman" mismo] ng mga Australyano si Pres. Marcos upang paaprubahan ang proyekto sa Departamento ng Edukasyon. Nagdududa si Marcos na isang ensiklopediang pangkasaysayan ng bansa ay ipagkatiwalang gawin sa pamumuno ng banyaga. Kinailangan niya ang isang grupo ng mga dalubhasang Pilipino na mag-aanalisa ng mga artikulong naisumite ng sari-saring tao, na karamihan ay dayuhan.

Hindi nakalusot ang mga Australyano. Pagkatapos ng gawaing ito, itinuon ang atensyon ng grupo sa pagbaka sa mga Pinoy na humalili sa mga Kastilang prayle. Mangyari pa, kahit na siguro si Jojo ay magugustuhan ang gawain. Praylokrasiya ang inatupag namin; ngunit naglaho rin ang panganib ng Simbahan ni Kardinal Sin. Naging mas importante para kay Marcos pagkatapos ang matagal na niyang pinapangarap na ipagawang maramihang-tomong Kasaysayan ng Pilipinas. Hindi niya nahimok si Agoncillo na gawin ito; siguro, tinanggihan ni Agoncillo ang trabaho dahil wala siya naman talagang gaanong nalalaman sa panahon bago ang 1872, laluna hinggil sa panahon bago ang 1521. Iyong ibang historyador ay maka-Simbahan, Heswita man o hindi. Tulad ni Jojo hanggang ngayon wala silang background sa mga natutuklasan noon ng arkeolohiya sa Kagayan at Palawan at sa iba pang bahagi ng Pilipinas.

Kaya naibaling ang aming trabaho sa paghanda ng isang balangkas ng Kasaysayan ng Pilipinas mula sa pinakasimulang geolohikal nito. Nang matapos ang balangkas, sinimulan na namin ang pagsusulat ng Tadhana. Marami ang tumutuligsa sa libro kahit hindi pa nababasa ito. Sa katunayan, hindi tapos ang obra. Hanggang 1815 lang. Umalis ako sa proyekto noong Disyembre1979; Enero 1980 ay nakabalik na ako sa U.P. Doon na pumasok sa proyekto ang ilang kakilala at kapanalig ideolohikal ni Jojo.   

Mula 1980 inatupag namin nina Jimmy Veneracion ang pagsusulat ng Kasaysayan at Kabihasnang Asyano, kaalinsabay ng pagtatanghal ng Kapistahang Asyano bawat semester. Biktima ng Martial Law, nawala na noon ang LIKAS nina Jojo. Isang sosyal na asosasyon na lamang ang pumalit at naglaho rin. Ito ang dahilan kung bakit noong 1987 hinimok ko sina Elsie Ramos at Myra Gallardo, alam mo ito Atoy, na buhayin muli ang LIKAS. Ang kanilang iniluklok bilang pangulo nito ay ang estudyante ko noon sa Historiograpiya na si Ferdie Llanes, na kabababa pa lamang sa pagiging taong-bundok (*pamumundok). Noong bandang Abril 1989, tagapangulo pa ako ng Departamento ng Kasaysayan, nabuo namin ni Dr. Jaime B. Veneracion (na nakapag-PhD na bilang advisee ko at apat na taon ko nang nailimbag ang Kasaysayan ng Bulakan sa Kolonya, Alemanya) ang ADHIKA. Mangyari pa, kasama rito sina Myra at Elsie at napasali na rin si Llanes bilang pangulo ng LIKAS. Mula noon, madali nang sundan ang daloy ng aking kasaysayan, bagamat tila kaila rin ito kay Jojo dahil mukhang nangibayong-dagat na siya patungo sa pinupuntahan ng lahat ng aktibistang "nagbabalik-loob" sa pangangalaga ng mga Kanluraning kumakalaban din di-umano sa Imperyalismo mula sa mga komportableng posisyon sa Unibersidad — i.e., liban sa Hapon at iba pang ligtas na lugar sa periphery, sa sentro mismo ng "Empire", ang Estados Unidos, na siyang kinakabaka raw ng mga Post-kolonyal-ista/isado-ng Postmodernista/Post-istrukturalista at iba't iba pang ganitong uri, tulad ni Benedict Anderson, "maître-á-penser" ni Jojo at kapwa niyang mga "apostol ng nasyon bilang guni-guning komunidad".

May isang bagay pang nakaligtaan ni Jojo; hindi siya masisisi dahil hindi naman siya biographer ko at iba ang pinagkakaabalahan niya sa Hapon. Ngunit mula 1971, bago pa man ako nakulong, nasangkot na ako sa pagpapatunay na isang panlilinlang ang Tasaday. Mahabang istorya ito; hindi ito maaaring gamitin bilang patunay na tagapagtaguyod ako ng rehimeng Marcos, bagamat sa panahong nagsusulat kami ng Tadhana at nakakausap paminsan-minsan si Pres. Marcos, hindi ko masasabing hindi siya makabayan o maka-Pilipino. Marapat din sigurong banggitin na bago pa man ang 1971 ay inilalathala na namin nina Jimmy Veneracion at Sammy Tan ang PINGKIAN, isang "aktibistang" pahayagan ng mga guro noon. Isa rin ako sa mga tagapagtatag ng SAGUPA, Samahan ng mga Guro sa Pamantasan, isa sa mga itinanong sa akin sa interogasyon ng ISAPF noong 1972.

May pangalawang bagay na hindi alam ni Jojo tungkol sa mga gawain ko habang nagsusulat ako ng Tadhana. At ito ay ang pagkabuo ko ng Pantayong Pananaw at Bakas, habang nakikipagtulungan kapwa kay Dr. Enriquez sa pagbubuo ng Sikolohiyang Pilipino at kay Dr. Covar sa pagdalumat ng Pilipinolohiya. Makapal ang dokumentasyon hinggil dito. At malalim ang pagkagagap mo nito, Atoy.

Para sa akin masalimuot ang mundo — at ang Kasaysayan din. Kapwa ay hindi maaaring ihanay sa dalawang kampo, tulad ng naisip ni San Agustin (at mga Katoliko) sa De Civitate Dei contra Paganos. Sa Manichaeistang tagisan ng Masama at Mabuti, saan mo man ako ihanay, ang talagang hindi matatawaran ay ang aking pagkatao bilang Pilipino at anak ng Bayan. Kamakailan, sa Singapore, nabanggit ko ang dalumat ng "comprador scholarship" ng ilang Pilipino na nagbebenta ng banyagang kapantasan sa Pilipinas [mangyari pa, sa wikang Ingles] at nagdadala o nagluluwas ng datos hinggil sa Pilipinas sa ibayong dagat bilang tagasaliksik o tagasunod [sa pananaw at wika, mangyari pa] ng mga dayuhan upang mapatunayan ang mga "ideya" ng mga ito hinggil sa Pilipinas [mas maganda at mas mura rin kung ikinakalat at ipinapablis dito sa "localityng" ito mismo, sa wikang di-umano’y “unibersal” ng Ingles]. Maipagmamalaki ko siguro na kailanman hindi ako naging bahagi ng ganyang negosyo. Mangyari pa, hindi ko ihahanay saan man ang mga negosyanteng ganito dahil hindi ko malalimang nalalaman ang kasaysayan ng bawat isa, ni matarok ang lalim ng kani-kanilang kaluluwa. 

Hayaan mo at payagang ilathala ang "Paunang Salita" ni Jojo. Bata pa siya at may panahon pa upang makita niya ang katotohanan kapwa hinggil sa kanyang masungit na dating guro at sa kanyang sarili mismo. Ang hinihiling ko lamang sa iyo, Atoy, ay huwag mong paikliin ang blurb na sinulat ko para sa likurang pabalat ng inyong libro ng Likas.

Maraming salamat.

Zeus A. Salazar

10 Enero 2008

Iwinasto 18 Abril 2008

Para sa karagdagang impormasyon at mas malalim na pag-unawa sa Bagong Kasaysayan/Bagong Historiograpiyang Pilipino at Pantayong Pananaw, tingnan ang http://bagongkasaysayan.multiply.com at http://zasalazar.multiply.com.



Add a Comment
   
© 2008 Multiply, Inc.    About · Blog · Terms · Privacy · Corp Info · Contact Us · Help

Modified from Mediterranean by John Whittet.
Originally on the CSS Zen Garden.
Used and Modified with permission from the author.